HARI MANAWARI

Ang bida sa nobelang “Hari Manawari” ay si Prinsipe Manawari at siya ay kumakatawan sa may mas tradisyonal na imahe ng pagkalalaki; siya ay matipuno, matapang, may isang salita, may kagandahang loob, at nilalagay ang ilang mga babae sa pedestal – gaya na lamang ng kanyang pag-iisip kay Prinsesa Ganda. Nakonstrukto ang pagkalalaki ni Prinsipe Manawari sa kanyang pagliligtas sa mga mamamayan at bayan, at pagpatay sa mga masasamang pwersa sa fantastikong mundo niya. Ang mga punong babae naman ay naisulat bilang ang mga inililigtas – kung saan mas tradisyunal din na pagkababae ang pinapakita. Ang tanging babae lamang na hindi itinuring na ang mas mahina o ang dapat ipagtanggol ay ang diwatang tumulong sa Prinsipe dahil naisahan pa ng nagpanggap na gusgusing pulubi ang lalaki. Dito palang sa pagsukat at paglalarawan ng mga kasarian sa nobela ay pwede ng masabing isang “postmodern” ang kwento.
Madaming intertekstwalidad sa kwento ng Hari Manawari dahil dito ay mas lalo na nagiging postmodernismo ang identidad nito. Kung tutuusin ay isa itong nobela, epiko, fairytale at alegorya sa unang pagbasa pa lamang. Madaming elemento ng teksto ang pinaghalo at pinagsama-sama para makabuo ng isang selebrasyon ng parehong moderno at tradisyunal na panitikan. Sa nobela ding ito ay binibigyan ang mamababasa ng alusyon kung saan ipinasok ni Villanueva ang popular na kultura sa mataas na antas ng panitikan (nobela sa awit o epiko). Isa pa sa pagpupugay sa nakaraang ginawa ni Villanueva ay ang pagkahawig ng “Hari Manawari” sa luma at mataas na antas ng panitikan, kagaya na lamang ng “Oedipus Rex”, “Ibong Adarna” ang bibliya at marami pang iba. Hinalo din niya ang mga kwentong iyon sa kasaysayan ng Pilipinas; ang tatlong haragan ang naging alegorya ng mga nakaraang sumakop at umimpluwensiya sa atin na mga dayuhan – ang mga Espanyol (Buwaya), Amerikano (Buwitre) at Hapones (Berkekan). Mayroon din siyang mga nilagay na tungkol sa kasalukuyang pulitika at pangyayari sa bansa natin. Nandiyan ang paglalarawan niya kay GMA bilang ang higanteng babaeng may malaking duhat sa mukha na nanalanta sa Tribu Maliputu. Mayroon ding Tsino na inaagaw ang Spratlys mula sa mga Pilipino; ang Spratlys ay inilarawan bilang isang sanggol na umiihi ng langis at gasolina. Hindi maipagkakaita ang pagiging “pastiche” at malapit na ring pagiging “parody” ng “Hari Manawari”.
Kapansinpansin sa “Hari Manawari” ang pagiging parang “video game narration” ang paglalahad ni Prinsipe Manawari sa kanyang mga paglalakbay at mga pagsubok. Maraming mga karagdagang komento ang mga binabanggit ng Prinsipe tungkol sa nangyayari sa kanya. Puro simulisasyon at pagsasama-sama ng iba’t ibang teksto ang nangyari sa nobela.
Sa pag-babasa ko sa Hari Manawari, naalala ko ang kasabihang, “Art imitates life.” Saan nga naman ba kukuha ng inspirasyon ang mga manunulat, pintor at iba pang artista? Hindi ba at sa mundong may buhay rin? Medyo tradisyunal ang kasabihan, ngunit hindi rin ba at nagpupugay sa nakaraan ang postmodernismo? Naisip ko na malamang ay maaring paniwalaan ang pilosopiyang postmodernismo, na maaaring may katotohanan dito. Ngunit, kung magbabalik-isip tayo, ang unang ibinabahagi sa ating ng postmodernong identidad ay walang lubusang katotohanan. Ngayong nandito na ang postmodernong panitikan na ang inspirasyon din mismo ay ang buhay ngayon; mahirap itanggi na hindi nabubuhay sa isip natin ang kaba sa pagtatanong sa ating sarili kung ang realidad ay hindi lamang nabubuhay sa ating panaginip.
Dahil sa pagbasa ko sa Hari Manawari, nabuksan ang aking mga mata sa kakayahan ng mga Pilipinong manunulat. Napakalawak ng imahinasyon ng may akda. Napaka-intelektuwal ng mga intertext, halatang pinag-isipan ng mabuti at halatang galing sa puso ang pagsusulat. Kahit na hindi ko masyadong naintindihan ang mga malalalim na salitang Tagalog at kinailangan ko ng mga ibang tao na mas mag-explain ng ibang mga bahagi at halos ginoogle translate ko ang napakarami sa mga salita sa nobela, nung binabasa ko ng malakas ang mga salita upang maintindihan ko ang konteksto ng mas mabuti ay kakaiba ang pakiramdam ko. Kakaiba ang “experience” na alam mong isang kababayan ang nagsulat ng iyong binabasa. Kapuripuri talaga.
Nakakapanibago, minsan ay mahirap intindihin, ngunit nakakamanghang basahin.
NIGHTNIGHT by DEDDY